Mga Ipinagbabawal na Kemikal

in Keycheck7 Pest Management-tagalog

Palaycheck - Pest Management

Ayon sa Fertilizer and Pesticide Authority, ang mga sumusunod na kemikal ay ipinagbabawal nang gamitin ng mga magsasaka sa bukid dahil ito ay nakakalason hindi lang sa peste kundi pati sa mga tao.

ENDRIN
Ito ay ginagamit na pamatay sa mga peste tulad ng insekto, daga, at ibon na sumisira ng mga pananim. Maaaring makaapekto ito sa tao kapag nakain, nainom o nalanghap, o kapag nagkaroon ng kontak sa balat. Makararamdam ng sakit ng ulo, pagkakaba, pagkalito, pagsusuka, pagdurugo ng ilong, at kombulsyon ang taong naapektuhan ng substansiyang ito. Maari ring magresulta sa pagkamatay at pagbagsak ng buong sistema ng katawan, gayundin ang unti-unting pagkasira ng atay.

ALDRIN at DIELDRIN
Pareho itong ginagamit na lason sa mga tanim at ang kemikal na ito ay karaniwang ginagawa sa laboratoryo at hindi basta-bastang lumilitaw sa kapaligiran. Ang purong aldrin at dieldrin ay kulay puti ngunit kung nahaluan, ito ay kulay kayumanggi. Maaaring matagpuan sa lupa, tubig, o mga bahayaan kung saan ginagamit pamatay ng anay, gayundin sa taniman at mga hayop na malapit sa tapunan. Makaaapekto ito sa katawan kapag nakakain ng kontaminadong produkto tulad ng karne, isda, pananim na lamang lupa, at produktong mula sa gatas. Nakalalason ito sa katawan kung ito ay nakain, nainom, o nalanghap sa hangin at maaaring mamatay ang biktima. Makakaramdam ng kombulsyon, maapektuhan ang nervous system, at magkakaroon ng pagkasira sa kidney.

HEPTACHLOR
Ito ay ginawang kemikal at hindi natural na nabubuo. Ang purong heptachlor ay kulay puti na amoy mothballs o camphor, samantala kulay kayumanggi naman ang hindi purong heptachlor. Ginagamit itong pamatay ng insekto sa mga bahay, gusali, at pananim na pagkain na katulad ng mais. Ito ay makaaapekto sa tao kung kakain ng hayop at isdang nasalinan o nalagyan ng kemikal na ito. Pagkasira ng atay at pagkabaog ang maaring maging epekto nito sa katawan ng tao.

2,4,5-TRICLOROPHENOXYACETIC ACID o 2,4,5-T
Ito ay isang sintetikong auxin o substansiya ng halamang pampalaki, na ginagamit na herbicide. Ang 2,4,5-T ay may mataas na toxicity kung kaya’t minabuti itong ipagbawal sa bansa. Posible rin itong maging dahilan ng kanser sa katawan ng tao. Ilan lamang sa mga sintomas ng naapektuhan nito ay ang pagka irita ng balat, malapantal na tagihiyawat, at ataxia o ang pagkawalang kontrol ng mga kalamnan. Masasabing ang balat at atay ng tao ang mabilis nitong sirain.

TOXAPHENE
Ito ay isang insecticide na naglalaman ng 670 na kemikal. Makikita itong madalas na buo ngunit maari ring maging gaas at ito ay kulay dilaw na may amoy turpentine. Kilala rin ito sa tawag na campheclor, chlorocamphene, polychlorocamphene, at chlorinated camphene. Ginagamit itong pamatay sa mga pesteng insektong tanim na bulak at iba pang mga pananim, gayundin ginagamit ito na pamatay ng mga pesteng insekto sa mga alagang hayop. Maaring maapektuhan nito kung malalanghap, makakain, at maiinom ang kemikal na ito. Ang taong naapektuhan nito ay maaaring masira ang baga, atay, nervous system, at maari rin itong makamatay.
 

Download Mga Ipinagbabawal na Kemikal 

Are you satisfied with the material?
  • Yes (0)
  • No (0)

Previous post:

Next post: