Pamamahala ng Golden Kuhol

in Keycheck7 Pest Management-tagalog

Pamamahala ng Golden Kuhol

Ano ang golden kuhol?

1. Ang golden kuhol ay talamak na peste sa palayang natutubigan.

2. Ito ay ipinakilala sa Pilipinas noong 1980s bilang pagkaing mayaman sa protina at upang pagkakitaan ng magsasakang Pilipino.

3. Nakawala ang mga golden kuhol mula sa mga nag-aalaga at mabilis na kumalat sa palayan sa pamamagitan ng mga ilog at sistema ng irigasyon hanggang sa naging pangunahing peste ito ng palayang natutubigan.

4. Mula sa paunang tala na naganap noong 1986 sa Cagayan Valley Region, 300 ektaryang palayan ang napinsala ng golden kuhol. Umabot sa P212 milyon naman ang itinatayang ginugol ng mga magsasaka para sa pagsugpo nito noong 1990 ayon sa pag-aaral ng PhilRice.

5. Sa kasalukuyan, 40 sa bawat isang daang magsasakang Pilipino ang gumagamit ng kemikal na pangsugpo ng golden kuhol sa kanilang sakahan, ayon sa datos ng Philippine Rice Information System.

Ano ang pagkakakilanlan ng golden kuhol?

1. Ang golden kuhol ay may malagintong kulay at matatagpuan sa mga tabang na anyong tubig tulad ng ilog, sapa, irigasyon, kanal, at palayang may tubig.

2. Ito ay mabagal gumalaw at kumakain sa hapon, gabi at umaga.

3. Ang golden kuhol na kasing laki ng butil ng mais hanggang singlaki ng bola ng ping pong ay may kakayahang magdulot ng pinsala sa palayan.

Paano nakapipinsala ang golden kuhol sa palayan?

1. Kinakain ng golden kuhol ang ano mang bahagi ng palay na nakasayad sa tubig. Sa pamamagitan ng magaspang nitong dila, kinakayod nito, at kinakain ang malalambot na bahagi ng palay tulad ng dahon.

2. Ang isang golden kuhol kada metro kuadrado ay kayang magdulot ng 19% na pagkaubos ng bagong tanim na palay at ang walong golden kuhol kada metro kuadrado naman ay kayang umubos ng 98% ng bagong tanim na palay.

Kailan mapaminsala ang golden kuhol sa palay?

Pinakamapinsala ang mga golden kuhol sa pagsibol ng buto hanggang sa pagsusuwi
ng palay.

Paano mapamahalaan ang golden kuhol sa palayan

1. Pagkatapos umani, papastulan ng itik ang palayan, panatilihin itong walang tubig hanggang sa susunod na taniman. Araruhin ng tuyo ang lupa upang mapatay ang mga naiiwan pang golden kuhol.

2. Maglagay ng pinsala sa pasukan ng tubig upang di makapasok ang golden kuhol sa palayan.

3. Magtanim ng palay na may edad na 25-35 araw. Salitan na patuyuan at patubigan ang palayan at panatilihin lamang sa 2-3 sm ang taas ng tubig.

4. Gumawa ng maliliit na kanal sa paligid ng palayan upang mapadali ang pagpapatuyo at upang mapadali ang pamumulot ng golden kuhol.

5. Gumamit ng dahon ng saging, papaya at gabi o ng lumang newspaper upang maakit ang mga golden kuhol at mapadali ang pamumulot sa mga ito.

6. Magtulos ng kawayan na paitlugan sa mga golden kuhol. Regular na kuhanin ang mga ito upang ipakain ang itlog sa itik o upang durugin.

7. Gumamit ng kemikal na pamatay ng golden kuhol bilang pinakahuling pamamaraan.
Download Pamamahala ng Golden Kuhol

Are you satisfied with the material?
  • Yes (27)
  • No (3)

Leave a Reply

avatar
  Subscribe  
Notify of

Previous post:

Next post: