Ano ang rice black bug o itim na atangya?
Ang rice black bug, RBB, o itim na atangya ay isa sa pinakamahirap sugpuing peste sa palayan. Nimpa at ang adult na RBB: sumisipsip ng katas sa puno ng mga suwi ng palay na malapit sa ibabaw ng tubig. Sa sahod-ulan, at maging sa upland o katihan, ang pinsalang dulot ng RBB ay maaaring mag-dulot ng pagkamatay ng halaman dahil sa sobrang tindi ng pag atake nito.
Unang na-obserbahan ang pag-atake ng RBB sa Palawan noong 1982. Mula noon, ito ay unti-unti nang kumalat sa ilang bahagi ng Visayas, Mindanao, at ilan pang bahagi ng Luzon.
Anu-ano ang yugto ng buhay ng RBB?
1. Itlog: 1mm ang haba, maberde-berde kung bagong itlog hanggang nagkukulay rosas kapag malapit ng mapisa. Tumatagal ito ng 3-5 na araw bago mapisa.
2. Nymph: kayumanggi ang kulay at may paghuhunos tuwing 4-5 araw. Umaabot ito sa 25-30 araw bago maging ganap na magulang.
3. Adult: maitim na mayroong madidilaw na marka sa likod. Maari itong mangitlog ng 3 beses at nabubuhay sila hanggang 22 araw.
Kailan mapaminsala ang RBB?
Ang RBB ay umaatake sa palayan sa halos buong yugto ng palay lalo na sa pag-uuhay ng palay hanggang sa pagpapahinog nito. Ang pinaka-apektadong mga yugto ng palay ay mula pagsusuwi hanggang sa paghinog nito.
Ano ang epekto ng pinsala nito sa palayan?
Ang matinding atake ng RBB ay kayang pumatay ng mga halaman. Nakapagpapababa din ito ng ani kahit kaunting pinsala lamang. Nakababawas ito ng ani dahil sa pagkakaroon ng mga pipis at kakaunting butil sa bawat uhay. Kung mayroong 10 RBB bawat puno ay maaari nang makapagpapababa ito ng ani mula 15% hanggang 23%.
Ano ang pinsala ng RBB sa palay?
1. Bansot at naninilaw o namumulang kayumanggi ang mga dahon.
2. Patay na “suwi” o deadheart kung saan ang suwi ay nagiging brown o kayumanggi at namamatay sa panahon ng pagsusuwi ng palay.
3. Puting uhay o uban/whiteheads kung saan namamatay ang uhay at nagiging pipis ang mga butil ng palay.
4. Natutuyo ang mga palay (bugburn) dahil sa sobrang pagsipsip ng maraming RBB.
Paano ito mapamahalaan?
1. Magtanim ng barayting paaga o early maturing.
2. Magtanim nang sabayan sa kumonidad.
3. Protektahan at paramihin ang mga kaibigang insekto sa pamamagitan ng hindi basta-bastang paggamit ng lason sa palayan.
4. Magtanim ng mga namumulaklak na halaman. Ito ang magsisilbing tahanan at mapagkukunan ng pagkain ng mga kaibigang insekto na siyang aatake sa RBB.
5. Panatilihing malinis ang palayan. Alisin ang mga damo na maaaring pamahayan ng RBB.
6. Gumamit ng light trap upang mamonitor kung mayroong RBB sa isang palayan. Ang mga nahuling RBB ay maaaring ibaon sa lupa.
7. Araruhin agad ang lupa pagkaani, ihalo ang mga dayami sa lupa upang masira ang kanilang pinamamahayan at pinagtataguan.
8. Patubigan ang palayan upang hindi na mabuo ang mga itlog ng RBB at para umalis sila sa puno.
9. Mag-alaga ng mga itik sa palayang hindi ginamitan ng kemikal. Ang mga itik ang siyang kakain sa RBB at iba pang peste sa palayan.
10. Gumamit ng metarhizium anisopliae kung may nakitang umaabot sa limang RBB sa bawat puno ng palay.
Leave a Reply