Ang Metarhizium anisopliae ay isang berdeng amag na umaatake sa Rice Black Bug o atangyang itim sa palay. Ito ay maka-kalikasan, madaling paramihin at ligtas pa sa tao at mga hayop. Madali rin itong gamitin lalo’t kasama ang ibang mga paraan para sa pagsugpo ng peste sa palay.
Paano Umatake ang Metarhizium
- Inaatake ng Metarhizium ang atangyang itim sa pamamagitan ng mga berdeng espora o spores.
- Ang mga nakahahawang spores ay sumisibol kapag nadikit sa balat ng atangyang itim.
- Ang mga spores ay bumubuo ng malaganap na maliliit na pilamento na tumutubo sa katawan ng atangyang itim na sumisigid naman sa daluyang-dugo at lumulusob sa mga butas ng katawan ng atangya.
- Lumilikha ang spores ng mga lason na pumaparalisa sa peste hanggang sa tuluyan itong mamatay.
- Ang amag (halamang-singaw) na tumutubo sa labas ng katawan ng napatay na peste ay nagpapasimula ng panibagong yugto ng impeksiyon sa ibang mga insekto.
- Ang ganitong kagila-gilalas na kawing ng reaksyon ay mabisang nagpapababa sa populasyon ng atangyang itim sa bukid.
Mga pakinabang sa paggamit ng Metarhizium
- Nagtataglay ng 2.5 trilyong dami ng spores ang isang preparasyon ng Metarhizium. Umaabot sa 25 bags ang isang preparasyon ng Metarhizium na may timbang na 200 gramo kada bag.
- Nangangailangan lamang ng 2 o 3 beses na paglalagay ng Metarhizium ang isang panahon ng taniman, sa halip na 5 hanggang 6 beses na pagbobomba ng lason na pestisidyo.
- Itinatayang P250 lamang kada ektarya ang magagastos sa paggamit ng Metarhizium kumpara sa P800-1,200 gastos sa lason na pestisidyo.
- Di-tulad ng lason na pestisidyo, ang Metarhizium ay hindi nag-iiwan nganumang latak sa pananim na nakaka-apekto sa kalusugan ng tao.


Leave a Reply