Walang kakulangan sa bigas ang Pilipinas sa ngayon

in News

Ayon sa opisyal na pahayag ng PhilRice, walang rice shortage ngayong first quarter ng 2018. Ito ay base sa datos na nakalap ng ahensya.

Sa kasaysayan ng bansa, pinakamataas ang produksyon nitong 2017. Umabot ito ng 19.3 milyong toneladang palay na katumbas ng 12.5 milyong bigas.

Bukod pa diyan, may carry-over stocks pa ang bansa na 2.7 milyong toneladang bigas nang pumasok ang taong 2017. Dagdag pa dito ang naging importasyon noong 2017 ay 900,000 tonelada o kulang isang milyong tonelada.

Ibig sabihin nito, may kabuuang stock ang Pilipinas ng 2017 na humigit kumulang na 16.2 milyong toneladang bigas.

Sa pagsusuri naman ng konsumo, umaabot halos ng 13.1 milyon tonelada ang kabuuang pangangailangan ng bansa. Kasama na rito ang pagkain, binhi, raw material para sa pagproseso ng mga value-added products (tulad ng bihon), pati na ang mga pakain sa hayop, at mga wastage. Base ito sa assumption o pagtataya na ang bawat Pinoy ay kumakain ng kulang-kulang na 110 kilo kada taon at sa populasyon na 105 milyon.

Kung tama ang pagtataya, sa pagpasok ng taong 2018, dapat ay may carry-over stocks pa na humigit-kumulang na 3 milyong tonelada. Sapat ito para sa 87 na araw o humigit kumulang na tatlong buwan.

Bukod pa rito, inaasahan din natin na may aanihin tayong 23% ng kabuang produksyon sa first quarter ng 2018. Kung kapantay nito ang produksyon natin noong nakaraang taon, madagdagan ulit ang stocks natin ng 2.9 milyon tonelada. Hindi pa kasali rito ang mga parating na importasyon ng pribadong sektor. Kaya kahit magamit pa ulit natin ang ating pangangailangan ngayon first quarter na humigit kumulang na 3.2 milyong tonelada, sapat pa rin ang ating bigas at may balanse pa tayo para naman sa second quarter.

Are you satisfied with the material?
  • Yes (6)
  • No (4)

Previous post:

Next post: