Huwag Basta Mag-spray

in Keycheck7 Pest Management-tagalog

Huwag Basta Mag-spray

Huwag Basta Mag-spray
Kalimitan, ang mga magsasaka ay nag‐iispray sa kanilang pananim na palay sa panahon na ito ay kasalukuyang lumalaki. Sa panahong ito, ang karaniwang peste ng palay ay mga kulisap na nangangain ng dahon. Tutuong sinisira nila ang mga dahon ng palay, ngunit hindi ito nakababawas sa aanihing palay.

Mga bagong kaalaman sa pamamahala sa peste

  • Ang mga makabagong binhi ng palay ay tuwid ang mga dahon, malakas magsuwi, at may resistensiya sa mga sakit at insekto.
  • Sa panahong lumalaki ang palay nakababawi siya sa pinsalang dulot ng mga insekto na nangangain ng dahon kagaya ng maniniklop (leaffolder), aksip na puti (whorl maggots), uod na nasa supot (caseworm), at marami pang insekto na sumisira sa dahon ng palay.  Sa buong taniman, ang isang puno o suwi ng palay ay nakapagdadahon ng 13 hanggang 16 depende sa uri ng binhi.
  • Ang isang puno ng palay ay pangkaraniwang nakapagbibigay ng 22 hanggang 25 suwi bawat tundos. Sa panahong ito, ang maagang pinsala ng aksip na pula (stem borer) na nagreresulta sa pagkamatay ng suwi (deadheart). Subalit,  ang pag‐ispray ay hindi lunas dahil ang palay ay may kakayahang palitan ang mga nasirang suwi.
  • Kung ang aksip na pula naman ay sisira ng isang suwi na may uhay (whitehead) sa bawat tundos, hindi dapat mangamba dahil ang sustansiya na dapat mapunta sa patay na uhay ay mapupunta sa ibang uhay na may laman. Hindi kinakailangan na mag‐ispray dahil hindi ito makababawas ng ani.

 

Ano ang nangyayari sa walang habas o pakundangang pag‐ispray?  

Ang kayumangging ngusong kabayo (brown planthopper o BPH) ay mayroong mga biotypes o mga kapatid na mas maresistensiya sa mga lason na malimit gamitin ng mga magsasaka. Nanalanta ito sa bansang Indonesia, Thailand, Malaysia at sa ating bansa noong mga nakaraang taon.

Ang sanhi ng kanilang patuloy na pagdami ay ang malimit na pag‐iispray ng mga lason na paulit‐ulit na ginagamit. Sa isang palayan, ang nauunang dumami ay ang mga peste. Saka pa lamang dadami ang mga maninila o parasitiko at iba pang kaibigang insekto dahil mayroon na silang makakain. Sa pag‐ispray, mas nauunang namamatay ang mga kaibigang insekto kaysa sa kaaway. Sa dahilang hindi lahat ng mga kaaway ay mamamatay, ang mga natirang buhay ay mabilis na makapagpararami.

Kung mataas na ang kanilang bilang, at nakapagdulot na ng pinsala, hindi na makakahabol sa pagdami ang kaibigang kulisap sa dahilang mabagal ang kanilang pagdami.  Kaya’t mapapansin ninyo na habang patuloy ang inyong pag‐ispray, lalong dumarami ang mga peste na siyang nagiging dahilan ng pagbaba ng ating ani.

 

Subukan nang Mapatunayan!

Pumili ng dalawang pinitak na parehas ang sukat sa inyong bukirin. Gawin ang pangkaraniwang operasyon ng isang magsasaka sa panahon ng paglaki ng palay sa isang pinitak. Sa isang pinitak, huwag mag‐ ispray sa panahong lumalaki ang palay kung ang mga insekto ay iyong mga nangangain lamang sa dahon. Suriing mabuti ang inyong palayan at marami kayong makikita na kaibigang kulisap. Sa anihan, paghambingin ang ani ng dalawang pinitak at ang iyong nagastos. Tingnan kung alin ang may malaking pakinabang.
Download Huwag Basta Mag-spray

Are you satisfied with the material?
  • Yes (26)
  • No (1)

Leave a Reply

avatar
  Subscribe  
Notify of

Previous post:

Next post: