(1 kilong binhi = 5 kaban o 250 kilong binhing ani)
1. Maghanda ng 10 metro kuwadrado na kamang punlaan. Ito ay may 1 metro na lapad at 10 metrong haba. Ang punlaan ay dapat na malayo sa mga ilaw upang hindi makaakit ng mga insekto; may sapat na patubig; walang sakit na iniwan ng dating halaman; at madaling patuyuan.
2. Itaas ng 3-5 sentimetro ang gagawing punlaan. Haluan ng organikong pataba ang kamang punlaan (500 gramo kada metro kuwadrado). Mapapadali nito ang pagbunot sa mga punla. (1 kilong binhi = 5 kaban o 250 kilong binhing ani)
3. Ibabad ang mga buto ng 24 oras sa malinis na tubig. Kung hindi ibinabad sa umaagos na tubig, palitan ang tubig kada 6 oras.
4. Pagkatapos ng 24 oras na pagbabad, alisin ang tubig at kulubin ang mga buto sa loob ng 24 oras o hanggang sa may makitang puting lumalabas mula sa buto; ito ay ang ugat. Panatilihin itong mamasa-masa sa panahon ng pagkukulob.
5. Pagkatapos ng pagkukulob, isabog ang inyong isang kilong pinasibol na binhi sa punlaan. Magsabog ng humigit kumulang na isang dakot sa isang metro kwadrado.
6. Matapos ang 21-25 araw, maglipat tanim ng 1-3 punla bawat tundos sa 400 metro kwadrado na pinitak.
Sa tamang pamamahala ng tanim, maaaring gamitin na binhi ang mga inaning buto. Tiyakin lamang na malinis ang pagkakagiik, patuyuin hanggang 14% moisture content o mas mababa, at ilagay sa malinis na imbakan. Sa paggamit ng 1 kilong binhi, maaaring umani ng 5 kaban o 250 kilong binhi.

