Pagkakaiba ng Breeder, Foundation, Registered, at Certified Seeds

in keycheck1 varieties-tagalog

Palaycheck - Variety and seed selection

Breeder seeds (BS) ay mula sa mga institusyong palahian katulad ng IRRI, UPLB, at PhilRice. Ang mga butong ito ay maingat na pinili sa bukirin at sa laboratoryo ng mga rice breeders . Itinakda ng National Seed Quality Control Services (NSQCS) na ang BS ay dapat hindi bababa sa 99% ang pagiging puro ng binhi at walang ibang halo maliban sa inert matter . Ang mga binhing nabanggit ay ipinamamahagi sa mga sangay ng PhilRice at mga piling miyembro ng R&D network at SeedNet para sa patuloy na pagpaparami ng mga barayting ito.

Ang Foundation Seeds (FS) ay mula sa BS at itinatanim ito ng sangay ng PhilRice at mga piling miyembro ng R&D network at SeedNet. Ito ay sertipikado ng NSQCS na 99% na puro. Hindi katulad ng BS, ang FS ay maaaring mahaluan ng 1-2 butil ng ibang barayti ang bawat 500 grams na sampol. Pulang tarheta ang patunay nito at ipinamamahagi sa lahat ng mga kasapi ng SeedNet at sa mga piling magbibinhi sa bawat probinsiya para sa pagpaparami.

Ang Registered Seeds (RS) ay pinararami ng mga miyembro ng SeedNet at mga magbibinhi. Ang mga butong ito ay 98% puro at maaaring may halo na hindi hihigit sa 0.05% na buto ng damo at ibang pananim, 2% ng inert matter, 1 butil ng pulang palay sa bawat 500 grams na sampol, at 5 butil ng ibang barayti sa bawat 500 g. Ang RS ay may tarhetang berde at ipinamamahagi sa lahat ng mga akreditadong magbibinhi para sa maramihang produksyon ng certified seeds.

Ang Certified Seeds (CS) ay pinararami ng mga akreditadong magbibinhi mula sa RS. Ang mga butong ito ay 98% puro at maaring may halo na hindi hihigit sa 0.1% na buto ng damo at buto ng ibang pananim, 2% ng inert matter, 2 butil ng pulang palay sa bawat 500 grams, at 20 butil ng ibang barayti sa bawat 500 grams na sampol. Ang CS ay may asul na tarheta at iniukol ito sa mga magsasaka para sa komersyal na produksyon nito.
Download Pagkakaiba ng Breeder, Foundation, Registered, at Certified Seeds

Are you satisfied with the material?
  • Yes (46)
  • No (4)

Previous post:

Next post: