Daga
- Umaatake sa ano mang klaseng barayti ng palay mula pamumunla hanggang pag-iimbak.
- Umaabot ng humigit 60% pagkalugi ng aning palay kapag inatake ng mga daga.
- Ang pagkakakaroon ng daga sa bukid ay malalaman sa pamamagitan ng aktibong lungga, bakas ng paa, putol na suwi, at mga daanan.
- Mahirap sugpuin ang mga daga dahil mabilis ang kanilang pagdami lalo na sa lugar kung saan maraming pagkain at matitirhan.
- Umaabot sa anim na buwan hanggang isang taon ang haba ng kanilang buhay at mapanira ang mga ito sa lahat ng yugto ng palay.
Pamamahala:
1. Pagsagawa ng mga pisikal at mekanikal na pamamaraan
- Hukayin at sirain ang mga lungga o butas na maaaring pamugaran ng mga daga.
- Isagawa ang blanketing method kung saan pinapalibutan at binubulabog ng isang grupo ang mga lungga ng mga daga upang mapilitang lumabas ang mga ito at mapatay.
- Gumamit ng flame thrower o ang pagbuga ng apoy sa bungad ng lungga ng mga daga at takpan ang iba pang mga butas upang sila’y mainitan at hindi makahinga na tuluyan nilang ikamatay.
2. Pagsagawa ng mga kultural na pamamaraan
- Panatilihing malinis ang bukid
- Magtanim nang sabayan
- Inererekomenda ang pilapil na may anim na pulgada ang lapad at walong pulgada naman ang taas.
3. Pagpain
- Gumamit ng acute rodenticide isang linggo bago magsabog ng binhi sa punlaan (lipat-tanim at bago magsabog-tanim). Maghalo ng lason o 5gramo (g) ng acute rodenticide at 95 g ng pain (feeds, tuyo,sitsaron, atbp).
- Maglagay ng pain na walang lason sa loob ng 1-2 araw.
- Maglagay ng pinaghalong lason at pain isang kutsara kada lalagyan. Sa ganitong pagpapain, umaabot ng 30% ang kabawasan ng populasyon ng daga.
- Magpain ng lason (1kilong chronic rodenticide at 19 kilong binlid o bigas) matapos ihanda ang lupa.
- Ulitin ang pagpapain 2 linggo pagkatanim o pagkasabog-tanim.
- Panatilihin ang pain hanggang dalawang linggo bago maggapas. Sa ganitong paraan, tinatayang 70% ang tsansang mapatay ang mga dagang nakakain ng pain.
4. Paggamit ng trap barrier system (TBS)
- Bakuran lamang ang palayan ng plastik na may taas na 24.5 pulgada at ibaon ang laylayan nito sa lupa.
- Ang bakod ay dapat may layong isang metro mula sa pilapil.
- Butasan ang plastik sa mga sulok na pwedeng pasukan ng daga at lagyan ng bitag ang bawat butas. Apat o higit pang bitag ang kailangang ilagay. Siguraduhing may tubig ang paligid ng plastik.
- Kolektahin araw-araw ang mga mahuhuling daga para laging malinis ang bitag at hindi matakot ang susunod pang mga daga.
- Ayon sa pag-aaral ng PhilRice, tinatayang 2% lang ang pinsala ng mga daga sa palayang ginamitan ng TBS kumpara sa 33% pinsala sa mga walang TBS.
Ang mga babaing daga ay maaaring manganak ng 4 na ulit sa isang taon at ang karaniwang dami ng inakay ay 6 sa bawat anakan.
Ang potensiyal na dami ng dagang nanggagaling sa isang pares ng daga at ng kanilang mga anak sa isang taon ay mahigit na 500.


Leave a Reply