1. Sa mga nagiik na palay na nabasa ng panandalian (hindi lagpas ng 24 oras), patuyuin kaagad sa loob ng 24 oras.
2. Sa mga palay na panandaliang nalubog, anihin ang maaari pang anihin. Iladlad ang mga uhay upang maiga ang tubig, patuyuin, at giikin kaagad. Maaari ring bigkisin ang mga uhay at ibitin nang patiwarik sa sampayan hanggang matuyo.
3. Sa mga palay na nalubog at nababad na ng 1 o 2 araw, maaaring gawin ang #2 ayon sa saloobin o tantiya ng may ari. Kung hindi ito magagawa, makabubuting iwanan na lamang ang mga hindi naaning uhay dahil mangingitim at mabubulok lamang ang mga ito sa loob ng 24-48 oras lalo na kung nabalutan ang mga ito ng putik. Karaniwang palatandaan na nagsisimula na itong mabulok ay ang maasim na amoy dulot ng bakterya at amag na kumapit sa mga ito.
4. Kung ang mga nagiik na butil ay may palatandaan ng pagsibol, ipunla kaagad ang mga ito kung may pagtatamnan. Kung hindi ito magagawa, maaari pa rin itong patuyuin, bigasin o ibenta para patuka sa manok, bibi, o itik.
5. Alamin natin ang ating itinanim na barayti. May mga barayti ng palay na tumutubo ang butil kahit nasa uhay pa kung ang panahon ay angkop. Mayroon din mga barayti kahit mababad ay hindi tumutubo kaagad. Sila ay sinasabing may dormancy. Maaari silang anihin ng walang pagaalinlangan.
6. Ang mabilisang pagpapatuyo ng mga nabasang palay o binhi ay dapat isagawa kaagad gamit ang mechanical dryer. Magtanong sa inyong local na pamahalaan kung saan ito matatagpuan. Ayon sa pagaaral ng DA-PhilRice, mas kikita ang mga magsasaka o magbibinhi kung gagamit ng flatbed dryer at ibebenta ng tuyo ang palay kaysa ibenta ito ng mas maaga.


Leave a Reply