Pagkolekta ng lupa para sa laboratory soil analysis

in Keycheck5 Nutrient Management-tagalog

Pagkolekta ng lupa para sa laboratory soil analysis

Ang pagpapasuri o soil analysis ay isang paraan upang matukoy ang kailangang sustansya ng lupa. Ang wastong pagkokolekta ng lupa ay labis na mahalaga.

Ang wastong interpretasyon ng pagsusuri sa lupa ay maaari lamang gawin kung ang mga sampol ay totoong kumakatawan sa kundisyon ng lupa sa bukid.

Ang mga sumusunod ay ang tamang paraan sa pagkolekta ng sampol ng lupa para sa laboratory soil analysis

Ang Pagsasampol
Ang pagsasampol ay madali lamang kung ang lupa ay mamasa-masa. Subalit, maaari ring gawin ang pagsasampol kung tuyo ang lupa o likas na basa tulad ng kundisyon sa bukid.

Kumuha ng sampol na lupa na malayo sa bakod, kalsada, bahayan, tumpok ng dayami, at bunton ng dumi ng hayop. Huwag paghaluin ang mga sumusunod:

  • Mapusyaw at maitim na lupa;
  • Sampol sa mga lugar na nag-iiba-iba sa nakaraang pag-aaplay ng abono o katamtamang ani ng pananim;
  • Sampol mula sa ibat-ibang tekstura o gaspang ng lupa; at
  • Sampol mula sa mga lupang may ibat-ibang taas at dalisdis.

Ang mga Materyales
Mga Kagamitan

  • Isang mahabang makitid na pala o ordinaryong pala o gulok para pangkolekta ng sampol na lupa
  • Para sa pinitak (basang lupa), gumamit ng tubong PVC na halos 2.5 pulgada ang dayametro

Mga Lalagyan

  • Isang timba o palanggana para sa pagkolekta at paghahalo ng mga sampol na lupa
  • Mga plastik na bag para sa pagpapakete ng mga sampol mula sa bukirin papuntang laboratoryo

Pamamaraan
1. Ang isang bukid ay maaaring patag o dumadalisdis. Ito ay maaaring may basa o mabatong mga bahagi. Magkolekta ng sampol na kumakatawan sa kabuuang sukat ng lupa, na may pare-parehong dalisdis, tekstura, lalim, daluyan ng tubig, at pananim.

2. Gumawa ng patatsulok na hiwa sa lalim na 25-30 sentimetro. Maghiwa ng 2-3 sentimetrong kapal mula sa bawat hiwa kung gumagamit ng pala. Alisin at ilagay ang nakolektang lupa sa lalagyan. Ulitin ang paraang ito sa 10 magkakaibang lokasyon.

3. Paghaluin ang lupa sa lalagyan; basagin/durugin ang malalaking tipak sa posibleng pinakamaliit na laki, at ibuhos ang mga ito sa isang plastik na lalagyan. Hatiin sa apat at itapon ang natitirang bahagi. Ulitin ang paraan ng paggawa hanggang sa maabot ang nais na dami.

4. Punan ang soil sampling information sheet at ikabit ito sa sampol ng lupa. Lagyan ng marka ang mga plastik na bag ng mga sumusunod:

  • Petsa at lugar ng pagsasampol, at
  • Pangalan ng mananaliksik o magsasaka

5. Sa inyong istasyon o laboratoryo, patuyuin lamang sa hangin ang mga sampol na lupa. Durugin ang mga sampol na gamit ang martilyong kahoy o pandikdik.
Download Pagkolekta ng lupa para sa laboratory soil analysis

Are you satisfied with the material?
  • Yes (14)
  • No (2)

Leave a Reply

avatar
  Subscribe  
Notify of

Previous post:

Next post: