Paghahanda ng Lupa
Walang mataas o mababang lupa
na makikita matapos ang huling pagpapatag.
Ang lupang patag ay:
- nakatutulong sa mahusay na pamamahala ng tubig;
- nakakabawas ng pangangailangan sa tubig upang patubigan ang pinitak;
- nakatutulong sa pantay na pagpapatubig at pagpapatuyo; (drainage)
- nakatutulong sa sabay-sabay na paglaki ng mga halaman;
- nagpapadali sa paggamit ng makinarya sa pag-aani; at
- nagpapadali sa pagsasagawa ng controlled irrigation.
Ang lahat ng ito ay nakatutulong sa mas mahusay na pag-aabono; pamamahala sa damo; at pamamahala sa kuhol. Kung kakaunti ang kuhol, mas kakaunti ang nasisirang tundos, at mas madali ang paghuhulip.
HANDOUTS | LEARNING MODULES | AUDIO CLIPS | VIDEO |
---|---|---|---|
[youtubegallery] | http://www.youtube.com/watch?v=jrygQJpqkW0[/youtubegallery] | |||
More handouts >> | More learning modules >> | More audio clips >> | More videos >> |
PAGTATAYA NG KEY CHECK
Sa panahon ng pagpapatag ng lupa, ang bukid ay dapat mayroong tubig na may lalim na 2-5 sentimetro (halos kasing taas ng hinlalaki ng kamay). Wala dapat makikitang tumpok ng lupa matapos ang huling pagpapatag.
MGA REKOMENDASYON UPANG MAKAMIT ANG KEY CHECK
- Pag-aararo. Araruhin ang mga damo at pinaggapasan ng may lalim na 10 hanggang 15 sentimetro (sm) mula 3 hanggang 4 na linggo bago maglipat-tanim o sabog-tanim para magkaroon ito ng sapat na panahon upang mabulok at makapagbigay ng sustansya sa lupa. Ang drainage/ magandang patapunan ng tubig ay nakatutulong upang maalis ang mga toxic o nakalalasong elemento sa bukid, nakatutulong upang mabulok ang mga bagay na organiko sa lupa, at nakatutulong upang humaba at tumibay ang mga ugat ng palay. Mas mabilis ang pagkabulok sa lupang mamasa-masa.
- Linisin at ayusin ang mga kanal at pilapil. Ang mga dike ay dapat linisin upang umalis ang mga peste; siksikin upang maiwasan ang pagtagas ng tubig; at panatilihing may taas na 15 sm at lapad na 20 sm upang maiwasan ang paglulungga ng mga daga dito. Ang mga ditches o pilapil ay makatutulong upang magkaroon ng pantay na distribusyon ng tubig sa bukid at magandang drainage.
- Pagsusuyod. Suyurin ang lupa ng hindi bababa sa dalawang beses na may pagitan na isang linggo. Ang unang pagsusuyod ay dapat isagawa isang linggo matapos ang pag-araro upang mabasag/madurog ang mga tingkal ng lupa at upang maihalo sa lupa ang mga pinaggapasan at mga damo. Sa pangalawang pagsusuyod, na sya ring unang pagpapatag, suyurin ang lupa sa pahalang na direksyon ng unang pagsusuyod. Makatutulong ito upang tumubo ang mga nahulog na buto ng palay at damo. Ang ganitong mga kasanayan ay nakatutulong upang mabawasan ang paunang populasyon ng mga peste at halo sa mga barayting itatanim, at mapanatili ang hardpan.
- Patagin ang lupa. Gumamit ng paletang kahoy o leveler.
- Gumawa ng maliliit na kanal. Para sa sabog-tanim na palay, gumawa ng maliliit na kanal malapit sa pilapil na nakapaikot sa bukid at sa gitna ng pinitak upang magsilbing lagusan ng labis na tubig, hulihan/pulutan ng mga kuhol, at upang mapadali ang iba’t ibang gawaing-bukid gaya ng paghuhulip at pagdadamo.